Mga Paraan Para Maging Healthy ang Diet at Lifestyle ng mga Bata
A guide for parents on how to ensure their child lives and thrives in a healthy eating community

Bukod sa kulang sa prutas at gulay, sobra sa matatamis, maaalat at matataba na sangkap ang karaniwang pagkain ng mga bata sa Pilipinas. Seven out of 10 sa mga teens (13-15 years old) ang kumakain ng mas mababa sa tamang dami ng gulay sa isang araw, habang 3 out of 10 sa kanila ang umiinom ng hindi bababa sa isang soft drink kada-araw.[1]
Dahil dito, dumadami ang mga batang overweight at may iba’t-ibang kaso ng malnutrisyon.[2] Kung hindi pa ito maaagapan, tataas sa 30% ng kabataan sa bansa ang overweight o obese by 2030.[3]
Malaking hamon para sa magulang na gawing healthy ang diet at lifestyle ng mga bata. Ilan sa mga challenges ang:
- kahirapan at kakulangan ng access sa malinis na tubig at kapaligiran
- kakulangan ng space para sa paglalaro at exercise
- kakulangan ng access sa mura at masusustansyang pagkain
- convenience na hatid ng mga unhealthy highly-processed food
- masamang epekto ng advertisements na dinesenyo para matukso ang mga bata na kumain ng unhealthy food.[4]
Ang paglutas sa mga problema na ito ay responsibilidad hindi lamang ng mga magulang kundi pati na rin ng buong komunidad.
Narito ang ilang praktikal na paraan para maging healthier ang diet at lifestyle ng ating mga anak at ng buong komunidad:

Ituloy ang proper breastfeeding mula pagkapanganak hanggang dalawang taong gulang
Mahalaga ang exclusive breastfeeding mula pagkapanganak hanggang mag-6 months. Tandaan na ipagpatuloy pa rin ang pagpapasuso hanggang mag-dalawang taon na si baby habang unti-unti siyang pinapakain ng masusustansyang solid food.
Dahil sa patuloy na advertisement ng mga formula milk at breastmilk substitutes, nakakalimutan ang mga benepisyo at kahalagahan ng exclusive breastfeeding. Palaging tatandaan na kung mayroon tayong breastmilk, hindi na kailangan ng formula milk dahil sapat ang sustansya at may tamang nutrisyon ang gatas ng ina para kay baby.

Dalasan ang pagluluto sa bahay kaysa kumain sa labas
Kung tayo ay mas madalas magluluto sa bahay, mas kontrolado natin ang dami ng asukal, asin, at langis sa pagkain ng ating pamilya. Mas maiiwasan natin na mapahamak ang kalusugan ng pamilya tulad ng sakit sa puso. Isa pa, mas mura ang lutong bahay kaysa sa mga pagkain sa fastfood o restaurants.
Bumili ng sangkap mula sa lokal na palengke
Hangga’t sa maaari, siguraduhing mas maraming kinakain na gulay at prutas ang ating mga anak araw-araw. Makakatulong ang meal planning at pag-alam ng mga prutas at gulay na in season para makabili ng sapat, angkop at masusustansyang mga sangkap na pasok sa budget ng pamilya. Mas maigi ring mamili ng mga mura, sariwa at masusustansyang sangkap mula sa ating lokal na komunidad kaysa bumili ng mga processed foods sa supermarkets.

Alamin ang mga pwedeng itanim sa ating bahay
Mainam at makakatulong sa pagluluto ng masusustansyang pagkain ang pagkakaroon ng edible garden o home garden. Maraming mga herbs, gulay at prutas na maaaring itanim at palaguin sa simpleng mga paraan ng home gardening. Sa tulong nito, magkakaroon tayo ng regular, sarili at libreng access sa mga masusustansyang sangkap. Kayang-kaya nating simulan ito, mga plantito o plantita!
Hikayatin ang paggawa ng batas na maghihigpit sa advertisement ng unhealthy food sa mga bata
Malaki ang impluwensiya ng mga advertisement na napapanood ng mga bata sa kanilang eating habits at mga gustong kainin.
Makakatulong ang pagkakaroon ng matibay na batas mula sa gobyerno para mahigpitan ang iresponsableng marketing ng mga pagkaing nakakasama sa kanilang kalusugan. Kasama na rin ang mga content na nakikita sa social media na madalas ineendorso ng celebrities at influencers na sinusubaybayan natin at ng ating mga anak.[5]
Manawagan na gawing mandatory ang front-of-pack nutrition labels sa mga packaged food
Instant noodles at corned beef ang ilan sa mga pagkain na mura at madaling lutuin kaya convenient para sa atin, lalo na kung nagtitipid o busy sa trabaho. Pero ang karamihan sa packaged food katulad ng mga ito ay sobra-sobra sa taba, asukal at asin na kadalasan ay naka-indicate lamang sa likod ng packaging.
Makakatulong ang front-of-pack nutrition labels para mas mabilis makita ang mga babala tungkol sa mga masasamang ingredients nito at mapag-isipan agad natin kung makakasama ito para sa ating mga anak.[6]
Mag-demand na lagyan ng nutrition labels ang mga pagkain sa fast food chains
Maraming mga pamilya ang kumakain sa mga fast-food chain. Makakatulong ang paglagay ng nutrition labels sa mga fast food menu para malaman natin kung may sapat na sustansya ang mga pagkain dito at mas maging informed tayo kung paano posibleng makasama ang fast food sa kalusugan.
Ilan lamang ito sa mga paraan na pwede nating umpisahan para mapabuti ang kalusugan ng ating mga anak. Hindi pa huli para gawing malusog ang diet, lifestyle at kapaligirang kinalalakihan ng mga kabataan ngayon. Kasama ang buong komunidad, patuloy nating siguraduhing mayroon silang sapat na suporta para ma-access ang masusustansyang pagkain, at patuloy na gabay para makasanayan ito.
######
[1] https://www.unicef.org/philippines/reports/childrens-lived-experience-food-environment-philippines
[2] https://www.unicef.org/philippines/reports/childrens-lived-experience-food-environment-philippines