Paano ang pagsuporta sa anak pagkatapos ng mga nakababahalang pangyayari?

Mas madaling makabangon ang mga bata kapag may suporta at pag-aaruga mula sa kanilang pamilya

UNICEF Philippines
Banner for parenting tips
2026
03 July 2026

Mahalaga ang gampanin ng magulang sa pagbibigay ng suporta, kaligtasan, at kapanatagan na kailangan ng mga bata sa panahon ng krisis.

Narito ang 6 tips upang matulungan ang mga bata na makayanan ang isang nakababahalang pangyayari:

  1. Ipaalam at ipadama sa kanila na sila ay ligtas at may nag-aalaga sa kanila
    Kapag may nababalitaan silang karahasan o trahedya, maaaring makaramdam ang mga bata ng takot, pagkalito, o pagkabalisa. Ang iyong kalmado at mapag-arugang presensya ay makatutulong upang maramdaman nilang sila ay ligtas.

    Mahalaga na hikayatin ang mga bata na magsumbong at humingi ng tulong sa mas nakatatanda, lalo't kung sila ay may nakikita or nararanasang pambubully, pananakot o nararamdaman nila na sila ay hindi ligtas

    Maglaan ng mas maraming oras kasama sila at ipadama ang pagmamahal sa pamamagitan ng yakap, paghawak sa kamay, o simpleng pakikipag-usap. Ipaliwanag din na may mga magulang, guro, komunidad, at pamahalaan na nagtutulungan upang mapanatiling ligtas ang lahat.
     
  2. Alamin kung ano ang kanilang nararamdaman
    Iba-iba ang reaksyon ng mga bata sa mga nakababahalang pangyayari. Maglaan ng oras upang makinig at tanungin sila kung ano ang kanilang nararamdaman. Ipaalam na normal ang makaramdam ng takot, lungkot, galit, o pagkalito.

    Maaaring makarinig ang mga bata ng iba’t ibang impormasyon mula sa mga kaibigan, social media, o telebisyon. Tanungin sila kung ano ang kanilang narinig at kung ano ang kanilang nararamdaman. Makinig muna bago itama ang anumang maling impormasyon.

    Pakinggan sila nang buong pansin at iparamdam na handa kang makinig anumang oras. Kung hindi pa sila handang magsalita, ipaalam na nandiyan ka kapag handa na sila.

    Sabihin sa kanila:
    "Naiintindihan ko kung bakit ka natatakot." 
    "Nandito lang ako para sa iyo." 
    "Okay lang na malungkot o mag-alala."
     
  3. Sabihin ang totoo. Magbigay ng tapat at angkop na paliwanag
    Hikayatin silang magtanong at sagutin nang tapat at angkop sa kanilang edad. Hindi kailangang magbahagi ng maseselan na detalye. Ipaliwanag rin na hindi lahat ng nakikita online ay tama, kaya mahalagang magpatulong sa ating mga magulang sa pag-intindi ng mga nababasa o napapanood online.

    Ipaalam na handa kang makinig at sumagot sa kanilang mga tanong. Tandaan, okay lang kung hindi mo alam ang lahat ng sagot.

    Halimbawa: 
    "May isang napakalungkot na pangyayaring nangyari sa isang paaralan. May mga taong nasaktan, at kumikilos ang mga awtoridad upang maunawaan ang nangyari at matulungan ang lahat ng naapektuhan."
     
  4. Manatiling kalmado at panatilihin ang nakagawiang gawain
    Nakakakuha ng emosyonal na gabay ang mga bata mula sa mga matatanda sa kanilang paligid. Kapag nananatili kang kalmado, mas nakatutulong ito upang maramdaman nilang sila ay ligtas at may kontrol sa sitwasyon.

    Panatilihin hangga't maaari ang mga regular na oras ng pagkain, pagtulog, pag-aaral, at paglalaro. Hikayatin din silang makipagbond sa mga kaibigan at mahal sa buhay upang madama nilang hindi sila nag-iisa.
     
  5. Limitahan ang pagnood mga nakababahalang content
    Maaaring magdulot ng mas matinding takot at pag-aalala sa mga bata ang paulit-ulit na panonood ng mga video, photos, at pagbasa ng mga kwento online tungkol sa karahasan o trahedya. Tulungan silang iwasan ang mga sensitibo at mararahas na content.

    Tulungan silang umiwas muna sa social media kung kinakailangan. Maglaan ng oras sa mga nakaaaliw at positibong gawain tulad ng paglalaro, pagbabasa, o paggugol ng oras kasama ang pamilya at mga mabubuting kaibigan.
     
  6. Kailan dapat humingi ng karagdagang tulong
    Maaaring lumapit sa MAKABATA Helpline 1383 o NCMH Crisis Hotline 1553 at humingi ng tulong kung ang bata ay:
  • Nananakit sa sarili o nagsasabing nais niyang saktan ang sarili, o nagpapahayag ng balak na manakit ng iba
  • Patuloy na matinding natatakot o nababalisa
  • Nahihirapang matulog
  • Iniiwasan ang pagpasok sa paaralan o ang mga karaniwang gawain
  • Nagiging masyadong mapag-isa o agresibo
  • Mukhang labis na malungkot o madalas umiiyak, madaling magalit o mainis
  • Pagkawala ng interes sa mga gawaing dati nilang kinagigiliwan o ikinasisiyahan
  • Nagiging labis na kapit o ayaw mahiwalay sa magulang o tagapag-alaga

TANDAAN:
Bawat bata ay may sariling paraan at bilis ng paghilom. Ang pinakamahalagang maibibigay mo sa iyong anak matapos ang isang nakababahalang pangyayari ay ang iyong presensya, pakikinig, at pagmamahal. Makatutulong kang mapalakas ang kanilang kakayahang makayanan at malampasan ang mahihirap na karanasan.