Breastfeeding is Best, Pero Paano Nga ba?
Lutasin ang mga pagsubok sa breastfeeding gamit ang mga subok na paraan
MANILA, 23 August 2023 – Iba ang saya ng pagiging isang ina, lalo na kung ikaw ay first-time mom. Pero bukod sa saya, may halong pangamba at takot. Ano nga ba ang best way para maalagaan si baby, lalo na sa pagbe-breast feed?
Tandaan: Walang makakapantay sa gatas ng isang ina.
Ang gatas ng ina ang best source ng nutriyson na kailangan ng isang sanggol mula pagkapanganak. Breastfeeding serves as your baby’s first vaccine. Ang breastmilk ay nagbibigay ng nutrients at antibodies na akma para sa sanggol upang ito ay may lakas at laban sa mga impeksyon. Ito ay best sa kanya hanggang siya ay mag-two years old. Bukod sa kalusugan, mas made-develop ang bond mo kay baby.
Napakaimportante ng breastfeeding sa unang 1,000 days ni baby. Ang breastfeeding kasi ay nakakaiwas sa malnutrition at child mortality. At para sa mga nanay, less risk magkaroon ng ovarian o breast cancer, high blood pressure at type 2 diabetes. Sa mabuting pagpapa-breastfeed, hindi lang bawas sa sakit para kay baby at mommy, bawas gastos din, at syempre kapag mas masigla, mas kampante ka na healthy na lumalaki ang iyong anak.
May pitong common breastfeeding challenges na usual na nararanasan ng mga nanay. Narito ang ilan sa mga paraan para maibsan natin ang challenges na ito.
- Paano kapag kakaunti lang ang gatas na lumalabas?
Huwag mangamba kung kaunti lamang ang lumalabas na gatas. Ang tiyan ng bagong silang ay kasing laki lang ng isang calamansi. Ang kanyang tiyan ay unti-unting lalaki sabay ng pagdami ng iyong gatas, kadalasan four days after ng panganganak.
Para sa mga bagong nanay, importante na ang breastfeeding ay magsimula sa unang oras pagkatapos manganak. Ang agarang skin-to-skin contact kasi ay nakakapagdoble ng tyansa ng breastfeeding success.
Mas maganda din na panatilihing eksklusibo ang breastfeeding sa first six months ni baby. Ang ibang pagkain at inumin tulad ng formula milk ay pwedeng maging dahilan ng paghina ng pagbreastfeed ni baby at paghina rin ng paglabas ng gatas. Ituloy tuloy lang ang pagpapasuso upang patuloy ang malakas na daloy ng gatas
2. Mahirap ba o masakit ang paghakab?
Maaaring minsan ay may kaunting discomfort, pero sa una lamang ito. Subukan ang iba’t-ibang posisyon para maging maginhawa ang latching. Sa pangmatagalan, dapat wala itong sakit. Para maayos maglatch si baby, siguraduhing malawak ang bukas ng kanyang bibig, ang ibabang labi ay naka-palabas, at nakadikit ang kanyang baba sa iyong suso. Kapag nakuha ang maayos na paglapat, madali nang makukuha ni baby ang gatas, at pareho na kayong giginhawa.

3. Paano mas maging ligtas at safe ang pagbreastfeed?
Siguraduhin na palagi kang nag-oobserve ng proper hygiene at naghuhugas ng kamay nang mabuti. Maaari ding gumamit ng alcohol bago at pagkatapos hawakan si baby o kapag hinahawakan at linilinisan ang kanyang mga gamit at paligid. Hindi kailangang hugasan ang iyong dibdib bago mag-breastfeed.
4. Pwede ba mag-breastfeed kahit magtratrabaho na uli?
Puwedeng-puwede! Ang trabaho ay hindi hadlang para mabigyan ng tamang nutrisyon si baby. Mahalaga na tuloy-tuloy lang ang breastfeeding.
Bago bumalik, kausapin ang iyong supervisor o nararapat na HR officer ukol sa oras na kailangan at lugar para makapag-express ng gatas. Ayon sa Expanded Breastfeeding Promotion Act of 2009 (RA 10028), ang mga breastfeeding mom na nagtratrabaho ay may karagdagang 40 minutes lactation break para kumolekta ng gatas during work hours, at dapat bayad na oras ito. Nakasaad din sa batas na lahat ng pinagtatrabahuhan ay kailangan maglaan ng lactation rooms para sa mga manggagawang ina.
Subukan rin humanap ng panahon pagkagising o pagkatapos ng trabaho para makaimbak ng gatas. Nakakatulong din na may suporta ng iyong pamilya upang ikaw ay maka-focus sa pagkuha ng gatas. Sa lugar na pinagtatrabahuan, siguraduhing may support sa iyong mga ka-trabaho.
5. Hindi ba nakakahiya mag-breastfeed in public?
Hindi. Ang pag-breastfeed ay isang natural na bahagi ng pagiging ina at isang natural na pagkain ng isang sanggol. Kapag nasa labas, huwag paabutin na umiiyak si baby bago i-breastfeed, dahil makakasama ito sa paghubog ng kanyang pangangatawan.
Ang mga nanay ay maaaring magpa-breastfeed sa kahit anong lugar. May karapatan tayong maghanap ng ligtas at malinis na lugar na nakalaan para sa breastfeeding sa ating mga opisina at mga lugar na pampubliko. Suportado ito ng Expanded Breastfeeding Act at ng Safe Spaces Act, kaya kapag may pambabastos, pwede rin itong i-report. Parating isipin ang kapakanan ninyong mag-ina.
6. Paano kapag may pressure na gumamit ng formula milk?
Sapat, ligtas, at mas masustanya ang breastmilk para sa mga baby mula 0-6 months. Hindi kailangang gumamit ng formula, powder o bottled milk para sa kanya, lalo na sa unang six months niya. Ang breastmilk substitutes—kasama din ang am o rice water—ay posibleng may dalang health risks para sa mga sanggol.
7. Ang breastfeeding ba ay sakin lang nakasalalay?
Hindi. Napakaimportante ng iyong buong pamilya sa panahon na ito. Hikayatin ang pamilya lalo na ng mga tatay, na tumulong at sumoporta. Ganun din sa ating place of work. May mga nakatakdang lugar at oras para sa pag express ng breastmilk, at ang support ng ating mga katrabaho ay importante rin. Mag tanong sa inyong komunidad, kadalasan ay may mga organized na breastfeeding counsellors or support groups na pwede magbigay ng payo sa mga nagpapasusong nanay.
Ang gatas ng ina ay walang katulad at mas madali ito na nanamnam ni baby, kaya rin naman madalas mag-breastfeed ang babies.